Wednesday, October 14, 2009

Ang Matampuhin (The Sulker) By Lope K. Santos

This poem describes a woman who has a sensitive temperament. The mimosa plant is called damong makahiya in Tagalog.



ANG MATAMPUHIN



Damong makahiya na munting masanggi’y

nangunguyumpis na’t buong nakikimi,

matalsikan lamang hamog na konti’t

halik ng amiha’y mabigla sa dampi

mga kinaliskis na daho’y tutupi’t

tila na totoong lanta na’t uns’yami.



Mutyang balintataw ng buwang maningning

sa salang mabiro ng masayang hangi’y

pipikit na agad sa likod ng dilim,

panakaw-nakaw na sa lupa’y titingin,

sa tanaw ng ulap at ng panganorin.



Malinaw na batis ng mahinhing bukal

na napalalabo ng bahagyang ulan,

kahit dahong tuyo na malaglag lamang

ay nagdaramdam nang tila nasugatan;

isang munting batong sa kanya’y magalaw

ay dumaraing na at natitigilan.



Matingkad na kulay ng mayuming sutlang

kay-sarap damitin at napakagara,

munting mapatakan ng hamog o luha,

ay natulukot na’t agad namumutla;

salang malibangan sa taguang sadya’ y

pinamamahayan ng ipis at tanga.



Kalapating puting may batik sa pakpak,

munting makalaya’y malayo ang lipad;

habang masagana sa sariling pugad,

ay napakaamo at di lumalayas;

nguni, pag sa palay ay minsang manalat,

sa may-alagad man ay nagmamailap.



Oh, Pusong tampuhin! Ang langit ng buhay

ay wala sa pusong laging mapagdamdam;

hindi nagluluwat ang kapayapaang

mamahay sa palad na hubad sa lumbay;

lalo sa pag-irog, ang tampo’y di bagay

kaning maya’t-maya at, nakamamatay!

No comments:

Post a Comment